JC de Vera says change of love team is necessary risk

Nonie V. Nicasio

Thursday, July 3, 2008
01:10 PM

Rating

Aminado si JC de Vera na may risk sa pakikipagtambalan niya kay Rhian Ramos sa bagong romantic-comedy TV series na La Lola na pagbibidahan ng tisay na aktres.

Nilinaw din ni JC na hindi naman talaga totally bubuwagin ang tambalan nila ni Yasmien Kurdi dahil sa bago nilang show na ito ni Rhian.

“Magpapahinga lang po, kasi, mayroon pa kaming upcoming movie ni Yas sa Regal, by September ito ipalalabas. Kaya hindi ko rin masabi na tapos na, siguro after nitong La Lola, after naming magpahinga ng isang show, siguro babalik naman talaga yung tambalan namin,” panimula ni JC sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

“Sa totoo lang, sa palagay ko risky talaga na i-partner ako sa iba. Pero sa tingin ko, kailangan din naming mag-grow at maging independent. Feeling ko, kailangan lang talaga namin ng break, para hindi kami magkaroon ng identity na, si Yas parating kadikit ni JC, o si JC parating kadikit si Yas.

“So, at least ngayon, mape-pair kami sa iba, and kapag na-pair ako kay Rhian, solo ko na ang pangalan ko. Si JC na iyon at hindi na kakabit ni Yas,” pahabol pa niya.

QUIET ABOUT RAINIER-YASMIEN REUNION. Nagpapasalamat naman si JC sa fans na supportive pa rin sa kanya kahit mag-iba siya ng kapareha. Idinagdag pa ng aktor na nang nakipag-tambal ulit si Yas kay Rainier Castillo via Tasya Fantasya ay wala namang narinig sa kanya.

“Nagbabasa ako ng mga forum, sa PEP, sa iGMA, may ibang fans na hindi pa talaga matanggap na maghihiwalay kami ni Yas at mapupunta ako kay Rhian. Pero may ilang supporters naman na ipinagtatanggol ang side ko na hindi naman daw all the time ay kailangang kaming dalawa ang laging magka-partner.

“And noong si Yasmien daw, bumalik kay Rainier, sabi nila, wala naman akong sinabi. Which is true, wala silang narinig sa akin nang i-partner siya kay Rainier sa Tasya Fantasya, hindi ba? Wala silang narinig sa akin, kaya slowly nare-realize nila na kailangan naming magpahinga ni Yas at kailangang bigyan din ako ng time sa sarili ko. At least ako naman, titingnan ko o kakayanin ko na wala si Yas,” saad pa ng young actor.

“Parang experiment lang naman ito, e. Actually, sabi rin ni Yas, experiment lang naman din ito. And ayaw din ni Tita Annabelle [Rama, his manager] na mag-stuck ako sa isa. Parang si Richard [Gutierrez], na kung mag-stick man siya sa isang love team, para sa isa o dalawang show lang and then, after nun, iba na uli [ang ka-love team].

“Gusto kasi ni Tita Annabelle na mag-evolve ako na katulad ng ibang leading man ng GMA like sina Dennis [Trillo], Dingdong [Dantes]… na kailangan na hindi talaga ako naka-stick sa isang leading lady lang.”

Ayon pa kay JC, naiintindihan niya rin si Yas kung manghinayang man ang young star sa love team nila.

“Feeling ko,. nanghihinayang din siya sa love team namin. Pero siguro, hindi pa lang masyadong nakikita ni Yas yung positive and negative side nito, yung both sides. Kasi parang ang sa isip niya, maiinit pa, e, so habang mainit [yung love team], kailangan tira kami nang tira. Pero na-explain na kasi sa akin ng management, sina Ms. Annette Gozon, sina Ms. Wilma Galvante, sila na rin ang nagsabi sa akin na kailangang mag-break muna kami ni Yas.

“Kasi, parang risky rin na lumipat ako ng love team at risky rin na mag-stay ako kay Yas dahil mawawalan na ako ng identity talaga.”

Anong assessment niya sa kanilang tambalan ni Rhian?

“I think magiging okey kami ni Rhian. Yung working relationship namin ay tulad din ng kay Yas na magiging okey rin. Pero kung tatanungin ako kung sa tingin ko ba sa sarili ko ay magkakaroon ako ng personal involvement kay Rhian, sa tingin ko, hindi. Ano lang…pure work lang talaga, magiging professional lang kami.

“Nakausap ko rin kasi si Rhian about sa pagiging mag-love team namin and game naman siya at hindi kinakabahan. Si Rhian kasi, alam ko na naman ang kakayahan niya, magaling siyang umarte.

“Pero siguro, darating din ang time na iko-compare sila, and masasabi ko na magka-iba sila. Iba yung field ni Yas at iba yung field ni Rhian. Nakita ko na kasi yung pagiging serious ni Yas, iyong pagiging dramatic actress niya. Si Rhian hindi pa, siguro hindi pa siya tapos sa mga pa-tweetums, sa mga pa-cute na role. Kasi, once na nabigyan siya ng heavy role, doon mag-e-evolve ang pagiging seryoso niyang aktres,” mahabang paliwanag pa ni JC.

WHATEVER THE FANS SAY. Message niya sa fans nila ni Yas?

“Sana ay huwag silang ma-disappoint, hindi kami mawawala at lagi lang kaming narito. And since malakas yung fans—I mean, dahil sa kanila kaya nabubuo yung love team—dahil sa fans din kaya magkakabalikan din ang love team namin ni Yas. I’m sure, pakikinggan naman ng management kapag nandiyan yung clamor ng fans, e,” pagwawakas ng young actor.

kyupayb is offline Reply With Quote

[